back in colorado, stories later :-)
june 15, 2005
3:25pm
andito ako ngayon sa eroplano patungong colorado springs mula houston. kinakailangan kong isulat ito sa ibang wika dahil mukhang malinaw ang mata ng katabi ko. di ko nais na mag-isip siya ng anuman tungkol sa mga isinusulat ko kung magsusulat ako sa wikang kaniyang nakagisnan.
gaya ng sabi ko, ako ay lulan ng eroplano. marahil ay may mahigit ng isang oras ang nakakalipas simula ng lumipad kami mula texas. madaming bata sa flight na nakuha ko, maging ang lipad ko mula new jersey patungong houston ay maingay dahil sa mga bata. natutuwa naman ako at dala ko ang cd ng black eyed peas, monkey business. kahit papano ay nalulunod ang mga iyak ng mga bata sa likod ng "i wonder if i take you home, will you still be in love baby?"
gustung-gusto ko ng makauwi upang simulan ang mga kwento tungkol sa aking paglalagi sa mga museo ng washington dc at paglalakad sa mga kalsada ng new york city. ngunit kailangang maghintay muna ang mga ito. pagdating ko ng colorado ay tutuloy muna ako sa bahay ng mga daddy. kung tama ang pagkakaintindi ko, doon din tumitigil ang akong lolo at lola sa ngayon. at pagdating naman ng biyernes ay balik trabaho na muli ako, maging sa sabado. linggo lang ang naiisip kong pagkakataon na makapagsulat tungkol sa akong maikling bakasyon. tanda ko naman ang mga nagyari sa tulong ng isang talaarawan na isa sa mga kailangan ipasa sa akong guro para sa kurong kinuha ko ngayong summer. at marami din akong kuhang litrato! may mga litrato ako ng mga paborito kong gawa ng sining. hanggang ngayon ay nadadala pa rin ako ng aking emosyon tuwing naaalala ko na nakita ko ang mga orihinal na gawa nina rembrandt, picasso, van gogh, monet at mondrian. tama ang aking guro, sa isang araw kong paglalagi, marahil ay mas marami akong nakitang kahanga-hangang gawa kesa sa mga nakita na ng isang normal na tao sa buong buhay niya. sulit talaga ang pagpunta ko sa washington dc para sa kursong ito.
at ang pagpunta ko ng new jersey para makipagkita kay ate i.n ay isa pa sa aking mga nais ibalita.
hanggang dito muna, nais ko munang magbasa.